CAGAYAN DE ORO CITY – Nanggagalaiti sa galit at nagbanta ng malawakang pagganti ang pulisya upang mabigyang hustisya ang ilan sa kanilang kasamahang pulis na kabilang sa mga nasawi makaraang tambangan ng teroristang Maute-ISIS sa Lanao del Sur.
Una rito, kinumpirma at inamin ng teroristang grupo na sila ang nasa likod ng mga pananambang ng nasa tatlong pulis ng Lanao del Sur Provincial Police Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Office Director Col. Madzghani Mukaraam na hindi naman lahat ng panahon ay Pasko para magdiwang ang mga terorista sa mga ginawa nila na karahasan laban sa kanyang mga pulis.
Matatandaang kinilala ang napatay na si PMSgt. Hnor Aminod Tander, habang sugatan naman si PMSgt. Khadafy Bantuas na pawang taga-Marawi City subalit naka-detail sa Marantao Police Station ng probinsya.
Sina Tander at Bantuas ay patungo na sana sa Marantao Police Station para mag-duty at habang nakasakay ng motorsiklo ay binaril ng motorcycle in tandem suspects.
Tinamaan sa ulo si Tander ng .9mm pistol dahilan na agad nasawi habang nakaligtas naman si Bantuas dahil nasa paa lamang ang kanyang tama nang binaril sila habang sakay ng kanilang minaneho na motorsiklo.
Bago barilin ng “hitmen” ang mga biktima ay may dalawa ng police officers ang una nang nasawi dahil tinambangan pa rin noong nakaraang linggo.