-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Humihina na umano ng tuluyan ang grupo ng Maute-ISIS na kasalukuyang pinamumunuan ni Benito Marahomsar alyas Abu Dar na kumikilos sa mga bukiring bahagi ng Lanao del Sur.

Dahil dito, nais na raw nitong makipag-alyansa sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) dahil iniwan na sila ng mga kasamahan nang mabuo ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Director, P/Supt. Madzgani Mukaraam na hirap na ang grupo ni Abu Dar na makagalaw dahil nasa mahigit 10 na lamang ang kanyang kasamahan na patuloy na tinutugis ng militar.

Sinabi ni Mukaraam na na-intercept nila ang mga impormasyon na nagpapadala na ng feelers si Abu Dar para hikayantin ang grupo ni Abu Misry Mama ng BIFF na sila ay tanggapin pagdating sa Maguindanao.

Inihayag ng opisyal na hindi nila hahayaan na malayang makalabas sa Lanao del Sur ang grupo ni Abu Dar na kasama sa mga sumalakay sa lungsod ng Marawi City noong 2017.