Nakahanda ang pamunuan ng PNP na harapin ang kasong isasampa ng mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), kasunod ng ginawang “paniniktik” ng mga police intelligence operatives.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, walang pumipigil sa ACT na magsampa ng kaso laban sa kanila.
Pero babala naman ni Albayalde, dapat ang sinumang magsampa ng kaso ay nakahanda ring harapin ang ihahain naman nilang counter charge.
Paliwanag ni PNP chief, bahagi raw kasi ito ng check and balance dahil parehong protektado ng batas ang nagrereklamo at inirereklamo.
Naging emosyonal din ang hepe ng pulisya sa isyu sa ACT, dahil iginigiit nitong trabaho ng mga pulis ang pagkalap ng intelligence.
Aniya, mismo umanong si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison ang nagbanggit na kasama ang ACT sa kanilang “front organizations” kasama ang iba pang militanteng grupo.
Pero sa inilabas na pahayag ni Sison, itinanggi nito na kaniyang tinukoy ang umano’y mga front organizations ng mga komunista.