Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa silang makipagtulungan sa Senado para sa ikakasang pagdinig kaugnay sa nangyaring rescue operations sa isang 14-anyos na estudyante mula sa isang british school sa Maynila na siyang biktima ng isang kidnapping incident.
Ito ay matapos na makatanggap ng mga negatibong ulat ang PNP na kumekwestiyon sa legalidad at katotohanan ng rescue operations sa naturang inisdente.
Sa isang pahayag, paliwanag ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na matagumpay na naibalik ang bata sa kaniyang pamilya ngunit sa kabila nito ay mahalaga din umano na magkaroon ng mabusising imbestigasyon sa insidente upang masagot ang mga pangamba at tanong ng publiko at matiyak ang integridad ng PNP.
Viral kasi ngayon sa mga social media platforms ang mga haka-haka na hindi umano lehitimo ang operasyon at wala umanong rescue operations na naganap at sa halip ay natagpuan ang bata sa mismong tahanan nito na siyang taliwas sa mga naging pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Ani pa ni Marbil, bilang isang lingkod-bayan, marapat lamang aniya na maging bukas sa pagsisiyasat at tiyakin na ang mga aksyon bilang isang pulis ay sumasalamin sa pamantayan ng integridad.
Samantala, ipinagutos naman ni Marbil ang administrative relief ni Anti-kidnapping Group (AKG) Head, Col. Elmer Ragay dahil sa mga naturang isyu sa naging operasyon.
Nakatakda namang ganapin ang pagdinig sa senado sa susunod na linggo.