Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) para magbigay ng security and safety services para sa pamamahagi ng 2nd tranche ng cash aid mula sa gobyerno ang Special Amelioration Program (SAP).
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac, ipinag-utos na ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa mha regional police offices at sa mga concerned PNP units na ibigay ang kanilang buong suporta sa pamamagitan ng technical, administrative and logistical assistance para maayos na maipamahagi ang pinansiyal na tulong sa mga beneficiaries.
Magdi-deploy ang PNP ng mga police personnel kasama na dito ang augmented police forces mula Regional at National Headquarters, para magbigay seguridad sa mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Local Government Units (LGUs).
Ayon kay Banac, inatasan din ni PNP chief sa mga Regional and Provincial Units ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na magsagawa ng thorough investigation hinggil sa napa ulat na anomalya at iregularidad sa pamamahagi ng cash subsidy.
Nakipag- ugnayan na rin ang Police Regional Offices sa AFP territorial units para sa gagawing clearing operations para matiyak ang safe passage ng mga target cash subsidy beneficiaries mula sa kanilang mga tahanan patungo sa designated distribution centers.
Sinabi ni Banac, may PNP personnel din ang mag-assist sa pamamahagi ng cash aid.
Siniguro ng PNP na striktong oobserbahan ang minimum health safety protocols sa mga distribution centers.
Ang 2nd tranche ng SAP distribution ay ipatutupad sa National Capital Region (NCR), Region 3 except Aurora Province, Region IV-A (CALABARZON), Benguet, Pangasinan, Iloilo, Albay, Cebu, Bacolod, Zamboanga at Davao.