KALIBO, Aklan—Handa na ang buong pwersa ng kapulisan at ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan sa inaasahang pagbuhos ng mga bisita at turista sa isla ng Boracay kaugnay sa nalalapit na selebrasyon ng kapyestahan ni Sr. San Juan de Bautista.
Ayon kay PLt.Col. Don Dicksie de Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station na nakalatag na ang kanilang deployment sa mga strategic areas dahil sa inaasahan na bulto ng mga beachgoers lalo na’t sumakto ang San Juan celebration sa weekend kung kaya’t buong pamilya ang inaasahan nilang babakasyon sa Boracay.
Target nila na magkaroon ng matiwasay na weekend get-away ang mga bisita kaya mahigpit ang kanilang monitoring at pagpatrolya sa buong isla para mabantayan ang mga ito at matiyak ang kanilang seguridad habang masayang nagpapalipas ng mga oras at araw sa tanyag na isla.
Dagdag pa ni PLt.Col. De Dios na lahat ng mga aktibidad sa isla ay naka-coordinate sa kapulisan at LGU Malay kung saan, nakapag-request na rin aniya sila ng dagdag na pwersa mula sa Police Regional Office 6 upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa isang milyon ang bilang ng mga turista na bumisita sa Boracay at inaasahan pang madagdagan ang nasabing bilang sa selebrasyon ng kapyestahan ni Sr. San Juan de Bautista.
Positibo naman ang Malay Tourism Office (MTO) na malalampasan ang kanilang target na 1.8-milyon tourist arrival ngayong 2023 dahil sa nakikitang pagdagsa ng mga bisita bawat araw.