Nagpahayag ng kahandaang tumulong ang Philippine National Police sa ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation hinggil sa isyu ng umano’y wiretapping activities ng Embahada ng China sa Maynila.
Sa gitna pa rin ito ng mga isyu na may kaugnayan sa mga pinalutang ng embahada na may hawak umano itong transcript at recording ng phone call conversation ng isang Chinese diplomat at isang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines kaugnay sa panibagong “new model agreement” claim nito sa Ayungin shoal.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, nakahanda ang kanilang hanay na magbigay ng assistance sa NBI para sa pagsasagawa ng imbestigasyon kung kinakailangan.
Kung maaalala, ipinag-utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagsasagawa ng in-depth investigation hinggil sa nasabing kaso matapos na maglabas umano ang Chinese Embassy in Manila ng mga alleged transcript ng conversation sa pagitan ng isang Chinese diplomat at isang AFP official, na kumaladkad naman sa pangalan ni AFP WESCOM Commander VADM Alberto Carlos hinggil sa nasabing isyu.
Una nang mariing kinondena ng Department of National Defense ang mga isyung pinapalabas na ito ng China kung saan sinabi pa ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. na kung sakali mang totoo ang mga ito ay maituturing aniya itong malaking paglabag sa Republic Act 4200 o Anti-wiretapping law ng Pilipinas, at maituturing din na paglabag sa international law.