-- Advertisements --

Magbibigay at handa umanong tumulong ang Philippine National Police (PNP) sa International Criminal Police Organization (Interpol) sa paghahain ng mga posible pang warrant of arrest kontra sa mga hindi umano’y mga “co-perpetrators” ni dating pangulo Rodrigo Duterte sa naging madugong war-on-drugs ng kaniyang administrasyon.

Ayon kay PRO-III Regional Director at PNP Spokesperson PBGen Jean Fajardo, may nakahanda nang “template” ang PNP sa paghahain ng arrest warrants sa mga personalidad na may kinalaman sa drug war ng nakarang administrasyon.

Sa kabila nito ay tiniyak naman ni Fajardo na wala pang naibababang impormasyon ang Interpol tungkol sa mga personalidad na maaaring maaresto at mahainan ng mga warrant.

Aniya, alam naman umano ng lahat na maliban kay PRRD ay mga kasamahan din ang dating pangulo na nakasuhan kaugnay pa rin sa drug war.

Ibig sabihin lamang aniya na kung sakali mang may lalabas na warrant mula sa Interpol ay nakahanda ang kapulisan para sa implementasyon ng mga naturang warrant.

Samantala, tinitignan naman ngayon ng International Criminal Court (ICC) ang mga naging ganap ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at maging ni dating PNP Chief Oscar Albayalde sa implementasyon ng anti-drug campaign ni PRRD at maaaring maisyuhan din ng mga arrest warrant.