Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magbibigay sila ng security assistance kung hihingin ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief P/Col. Jean Fajardo na bahagi ito ng kanilang tungkulin at commitment sa mga sangay ng pamahalaan na nangangailangan ng kanilang pag-alalay.
Pero ito umano ay paghahanda lamang kung hihiling ng tulong ang Senado para sa paghahain ng arrest order laban kay Guo, dahil may kakayahan din naman ang mga tauhan ng mataas na kapulungan ng Kongreso na gampanan ang kanilang obligasyon.
Paliwanag ni Fajardo, pangunahing may tungkulin dito ang Senate Sgt at Arms na ipatupad ang arrest warrant, kaya’t police security assistance lamang ang maibibigay ng kanilang panig.
Sa kasalukuyan, wala pa umanong komunikasyon ang Senate security sa kanilang opisina, maging sa local police sa lalawigan ng Tarlac.
Si Guo ay napatawan ng suspensyon dahil sa pagkakakaladkad ng pangalan nito sa illegal gambling operation sa nasasakupan nitong bayan.