-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hawak na sa ngayon ng pulisya ang CCTV footage sa nangyaring pagsabog ng IED sa isang unit ng Mindanao Star bus na ikinamatay ng isang 5 taong gulang na bata at pagkasugat ng 6 na iba pa.

Ito ang ipinasiguro ni PEMS Randy Hampac, tagapagsalita ng Aleosan PNP sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Hampac, nagmula ang nasabing video sa built-in camera ng bus kaya’t malinaw umano ang pagkakakuha sa suspek na sumakay sa Public terminal ng Kabacan at bumaba sa Pikit, North Cotabato.

Positibo sa ngayon ang Special Investigation Task Group (SITG) na makikilala na ang suspek upang sa ganun ay malaman din ang kinasasangkutan nitong grupo.

Hiling din ng pulisya ang kooperasyon ng bus company kung may natanggap silang extortion letter o threat bago pa ang pangyayari.

Samantala, hustisya naman ang sigaw ng pamilya Solaiman ng 5 taong gulang na batang nasawi matapos maputulan ng paa.

Napag-alaman na apat sa pitong mga biktima ay mula sa pamilya Solaiman kabilang na ang 5 buwan na sanggol.

Sa ngayon ligtas na ang 6 sa mga biktima.