Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng PNP hinggil sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng tatlong lalaki at ng mga otoridad sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas.
Sinabi ni Batangas Provincial Police Director, P/Col. Edwin Quilates, inuusisa nila nang husto sa ngayon ang background ng naturang mga indibidwal.
Ibinulgar din ni Quilates na batid na nila ang pangalan ng mga suspek ngunit hindi muna ito inilahad upang tuloy-tuloy ang follow-up operations.
Inaalam din nila sa ngayon kung may grupo bang kinaaaniban ang tatlo na sinasabing mga balik-Islam.
Una nang nakatanggap ng sumbong ang pulisya mula sa mga residente ukol sa presensya ng tatlong lalaki sa kanilang lugar na kahina-hinala ang kilos at sinasabi ring armado.
Nang makarating na ang pulisya sa Valle Pio, sa Barangay San Pablo, doon na nagkaroon ng stand-off kung saan nagkaroon muna ng negosasyon.
Ngunit nagmatigas ang tatlo na sumigaw pa raw katagang “Allahu akbar” na indikasyon ng hindi nila pagsuko, na nauwi sa palitan ng putok at sa kanilang pagkasawi.