-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) Health Service na may mga pulis ang naitalang nagkaroon ng dengue sa ilang lugar sa bansa.

Sa datos ng PNP, isang pulis ang nasawi nitong Hulyo habang 77 ang naospital dahil sa dengue.

Ayon kay PNP Health Service Director, B/Gen. Joseph Luglug, may ranggong staff sergeant ang pulis na namatay na naka-assign sa Western Visayas.

Sa nasabing bilang, 24 sa mga pulis na nagka-dengue ay isinugod sa PNP General Hospital sa loob ng Camp Crame habang ang 54 iba naman ang naisugod sa iba pang mga pagamutan sa buong bansa July hanggang ngayong Agosto.

Samantala, ayon naman kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, bagama’t hindi naiiwasan ang ganitong kaso ay may mga hakbang naman silang ginagawa para maprotektahan ang kanilang hanay mula sa nakakamatay na sakit.

Sa katunayan ayon kay Albayalde, regular silang nagsasagawa ng fumigation sa mga kampo.

Kung maaalala, nagdeklara ang Department of Health nitong August 6 ng National Dengue Epedemic kung saan mahigit 600 na ang nasawi sa mahigit 100,000 dengue case mula January hanggang July 20, 2019.