Pumapalo na sa mahigit 98 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga high ranking officials ng Philippine National Police ang nagsumite na ng kanilang courtesy resignation.
Ito ay bilang tugon pa rin sa naging panawagan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., na magbitiw sa serbisyo ang lahat ng mga heneral at full-pledged colonel ng PNP bilang bahagi ng hakbang nito para sa paglilinis ng buong hanay ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, umabot na sa 936 o may katumbas na 98.42% ng 951 na kabuuang bilang ng mga 3rd level officials ng PNP ang naghain na ng kanilang courtesy resignation.
Sa datos, 135 sa mga ito ay pawang mga heneral, habang ang natitirang 800 naman ay mga koronel, at kabilang na rin dito si Inspector General Atty. Alfegar Triambulo.
Kasabay nito ay binigyang-diin din ni Fajardo na sasampahan ng kasong kriminal ang mga pulis na mapapatunayang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga.
Kung maalala, una na ring sinabi Interior Secretary Abalos na pagkatapos ng pagsasala ng Committee of Five ay sasailalim din sa National Police Commission (Napolcom) ang pagbubusisi shortlist ng mga pulis na madadawit sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.