Nanawagan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa ilang retirado nilang opisyal na huwag idamay ang organisasyon sa kanilang political agenda.
Ang panawagan ay ginawa ni PNP spokesperson Pol. B/Gen. Roderick Augustus Alba matapos na makarating sa kanilang kaalaman na may ilang dating police official at organisasyon na nag-eendorso ng mga kandidato sa halalan na gamit ang pangalan ng PNP.
Binigyang-diin ni Alba, nirerespeto ang mga pananaw ng kanilang mga retiradong opisyal pero walang kinalaman ang PNP sa personal na opinyon sa politika ng mga tao o grupong ito na ipino-post sa social media.
“With all due courtesies to our retired PNP Officers, we respect your political views and opinions as private individuals. But by all means, please spare the PNP from partisan political activity,” wika ni B/Gen. Alba.
Giit ni Alba, hindi gawain ng PNP na magpahayag ng suporta para sa sinumang kandidat at nananatiling non-partisan na organisasyon.
“The PNP maintaines a non-partisan stance and will never endorse any political paty or candidate vying for any elective position,” dagdag pa ni Alba.
Babala ni Alba, hindi lang ang mga tao na gumagamit sa pangalan ng PNP sa pamomolitika ang hahabulin ng PNP kundi maging ang mga grupong politikal na nagbayad sa kanila para sa pag-endorso.