Hindi nagtakda ng deadline ang PNP-CIDG para maaresto ang mga NDF consultants na pansamantalang pinayagan ng korte na makalaya para makadalo sa peace negotiation at ngayon ay pinasusuko na sa batas matapos kanselahin na ang peace talks.
Ayon kay PNP-CIDG chief Police Director Roel Obusan, ang commander-in-chief na ang nag-utos kaya prayoridad nila ito ngayon.
Sinabi ni Obusan na mahigpit ang koordinasyon nila sa AFP at sa iba pang law enforcement agencies para maaresto ang mga consultant.
Sinabi ni Obusan na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bureau of Immigration (BI) para malaman kung nakabalik na lahat sa bansa ang mga nakibahagi sa peace talks sa Oslo, Norway at Rome, Italy.
Aminado si Obusan na medyo sensitive ang kanilang gagawing pag-aresto sa mga NDF consultants.
Sa ngayon wala silang binuo na task force para tumutok sa mga pinapaarestong NDF consultants bagkus ay normal na process na lamang ang kanilang gagawin sa bisa ng mga existing warrant of arrest laban sa mga ito.
Tumanggi si Obusan na banggitin kung ilan lahat ang mga NDF consultants na target ng kanilang operasyon.
Sa mga nauna nang report ay sinasabing nasa 20 ang nasa listahan.
Kasama rito ang mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon, Vic Ladlad, Adelberto Silva, Alfonso Jazmines, Alfredo Mapano, Loida Magpatoc, Pedro Cudaste, Ruben Salota, Ernesto Lorenzo, Porferio Tuna, Renante Gamara, at Tirso Alcantara.