Hinihikayat ng Philippine National Police (PNP) si Pastor Apollo Quiboloy na lider ng Kingdom of jesus Christ (KOJC) na sumuko na sa mga awtoridad habang maaga pa at harapin ang mga kasong nakaabang sa kanya.
Ito ay kasunod ng panibagong pagsisilbi ng warrant of arrest ng PNP Philippine Regional Office (PRO) 11 nitong Sabado ng umaga sa KOJC Compound sa Davao City. Ito ay para maiwasan na ang mga insidente na maaaring magbigay kapahamakan sa publiko at sa mga tagasuporta ng pastor.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi titigil ang mga kapulisan sa paghahanap hanggat hindi tuluyang nadadakip ang pastor.
Ang mga kaso umano ni Quiboloy ay hindi lamang mga simpleng kaso at kinakailangan umano itong sumailalim sa matinding proseso ng batas.
Matatandaang nasangkot ang pastor sa mga kaso ng rape, human trafficking at pang aabuso sa mga menor de edad.
Samantala sa operasyong ginawa naman ng PNP, halos 3,000 na tropa ng mga kapulisan ang pumasok at humalughog sa compound ng KOJC para mahanap ang pastor. Sa ngayon, hindi pa rin ito natatagpuan ng mga awtoridad.