Hinimok ng Philippine National Police (PNP) sa mga nabiktima ng Kabus Padatuon Community Ministry International Inc (KAPA) na lumutang at makipag-ugnayan sa mga otoridad.
Ito’y kasunod na rin ng naging kautusan ni Presidente Rodrigo Duterte na ipasara na ang operasyon ng KAPA sa pamumuno ni Pastor Joel Apolinario.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Bernard Banac, marami silang natanggap na ulat na nabiktima ng pyramiding scam sa KAPA pero wala pa ring pormal na nagsasampa ng reklamo.
Nabatid na nitong Lunes, dala ang search warrant, ay puwersahang binuksan ang opisina ng KAPA sa Cebu, ilang lugar sa Mindanao at Marasbaras, Tacloban City.
Kinuha ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP ang ilang mga dokumento sa loob ng opisina ng KAPA pati na rin sa katabing mga silid nito.
Sa ngayon, sinabi ni Banac na patuloy naman ang ginagawa nilang inventory sa mga dokumentong kanilang nakuha sa KAPA.
Sinabi ni Banac, may mga operasyon pang gagawin sa mga darating na araw.
Kasalukuyan pang nangangalap ng ebidensiya ang PNP at NBI laban sa KAPA.