Hiniling ng Philippine National Police (PNP) ang tulong ng Department of Health (DOH) para magsagawa ng independent investigation hinggil sa insidente na aksidenteng na exposed sa hazardous chemicals na nag resulta sa pagkasawi ng isang doktor ng PNP Medical Corps sa isang quarantine facility.
Kinilala ang nasawing doktor na si Capt. Dr. Casey Gutierrez, matapos makalanghap umano ng nakalalasong kemikal sa PNP managed quarantine facility sa PhilSports Arena sa Pasig City nuong May 24.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at commander ng PNP Administrative Support on COVID 19 Task Force P. LtG. Camilo Cascolan, nakipag-ugnayan na siya sa tanggapan ni Health Sec. Francisco Duque III sa utos ni chief Gen. Archie Francisco Gamboa hinggil sa gagawing independent investigation.
Nagsagawa ng decontamination procedures ang PNP Medical Heath Corps sa nabanggit na pasilidad sa pamamagitan ng pag-iispray ng sodium hypoclorite na siyang naging sanhi ng hirap sa paghinga ni Dr. Casey at dalawa pang miyembro nito na sina SSgt. Steve Salamanca at Cpl. Runie Toledo.
Dahil dito, agad isinugod sa Lung Center si Dr. Gutierrez subalit hindi na nito kinaya ang tindi ng pagkalason habang nagawa pang masagip sila Salamanca at Toledo matapos isugod sa Philippine General Hospital.
Ayon kay Cascolan, ipinagluluksa nila ang mapait na sinapit ni Dr. Gutierrez.