-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga mall owner at security agency na mahigpit na ipatupad ang health protocols sa mga mall.

Kasunod na rin ito nang insidente sa SM Mall sa Zamboanga City kung saan hindi nasunod ang physical distancing papasok ng gusali.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Brandi Usana, dapat maging responsable ang mga mall owner at security agency na siyang namamahala sa kaayusan at kaligtasan sa establisyemento.

malls

Nasa gitna pa rin kasi tayo ng pandemya at ang iniiwasan dito ay pagkakahawa.

Paliwanag ni Usana, posibleng maharap sa reklamo ang pamunuan ng mall na mapapatawan ng kaukulang parusa depende sa pagpapasya ng DTI, DOH at DILG.

Sakali namang mapatunayan na may criminal aspect na nilabag depende sa ordinansa ng LGU, handa sila itong ipatupad at handa ding magpataw ng multa o mang-aresto.

Una nang sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na sa ngayon, iniimbestigahan na ang tunay na nangyari sa mall.

Pero sa inisyal na pagtataya, lumalabas na may mali ang mga gwardya dahil hindi nila naayos ang pila ng mga tao na papasok ng mall.

Ayon kay DILG Spokesperson Jonathan Malaya ongoing na ang imbestigasyon ng DILG regional office sa Zamboanga City habang sinabihan na rin ang PNP simulan na rin mag imbestiga hinggil sa insidente.

Paliwanag ni Malaya, ang paglabag sa IATF protocols ay maaring tanggalin o suspendihin ang business permit ng isang business establishment.