Nagbabala ang pamunuan ng PNP Highway Patrol Group (HPG) sa publiko kaugnay sa mga bagong modus ng carnapping cases sa bansa.
Ito ay bukod sa mga lumang istilo na ninanakaw ang mga naka park na sasakyan o di kaya pwersahang kunin ng mga kawatan sa may-ari.
Limang bagong modus ng carnapping ang tinukoy ng PNP Highway Patrol Group na ginagamit ngayon ng mga sindikato.
Ayon kay PNP HPG Spokespers Lt.Col. Kimberly Molitas, ang mga bagong modus ay ang Rent-Tangay, Assume Balance Scam aka Pasalo-Benta, Pasalo-Benta-Bawi, Labas-Casa sa pamamagitan ng Loan Accomodation aka Labas-Casa-Talon at Labas-Casa-Talon gamit ang fictitious na pangalan.
Babala ng HPG na mag-ingat sa mga ganitong modus at tiyakin na legal ang mga pinapasukang transaksiyon.
Batay sa imbestigasyon ng HPG, nakikipagsabwatan ang mga sindikato sa isang legitimate company partikular ang human resource division personnel na siyang magsilbing contact para sa isang credit investigator (CI) na tatawag at kumpirmahin na ang isang car loan applicant ay isang empleyado.
Kapalit nito ay makakatanggap ng P15,000 hanggang P30,000 ang contact ng sindikato.
Nananawagan naman si PNP HPG Director BGen. Alexander Tagum sa publiko na mag doble ingat sa mga bagong modus ng carnapping.
Hinimok naman ni Tagum ang publiko na agad ipagbigay alam sa HPG kung may mga impormasyon sila ng mga sindikato.
Ayon kay Tagum maaaring tawagan ng publiko ang kanilang hotline number 09262255474.