-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang narekober nilang bagong 76 na nakaw na sasakyan na nagresulta ng pagkaka-aresto ng 45 suspek noong nakalipas na buwan ng Enero 2025.

Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni HPG officer-in-charge Brig. Gen. Eleazar Matta na kabilang sa mga narekober na sasakyan ang 59 na motor vehicle at 17 na mga motorsiklo dahil sa pinaigting na operasyon laban sa pagnanakaw ng mga sasakyan, naitala ang 14 na kasong kriminal laban sa mga sangkot sa iligal na aktibidad.

Bilang karagdagan, ayon sa PNP-HPG umabot sa kabuuang 17,185 ang kanilang isinagawang operasyon noong Enero. Kabilang dito ang 9,768 na initiative operation at 4,417 na pinagsamang operation kasama ang ibang mga ahensya ng gobyerno.

Ang PNP-HPG ay mahigpit din na nagpapatupad ng mga batas sa trapiko sa ilalim ng Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code), na nagresulta sa pagkaka-impound ng 420 na motor vehicle at 2,534 na motorsiklo. Nagbigay din sila ng 9,857 na temporary operator’s permits, 5,895 na ordinance violation receipts (OVRs), at 24,883 na traffic citation tickets (TCTs) para sa mga lumabag sa batas trapiko.

Dagdag pa rito, ipinatupad ng HPG ang kampanya laban sa mga ilegal na pagbabago sa sasakyan sa ilalim ng Presidential Decree 96, kung saan nakumpiska ang isang siren, 134 na horns, 260 na blinkers, 3,205 na ilegal na ilaw, at 79 na modified mufflers. Nagsagawa rin ng 1,025 na apprehensions sa mga sasakyan na lumabag sa “No Plate, No Travel” policy.