Tiniyak ng liderato ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) na kanilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga nakaw na sasakyan.
Ayon kay PNP-HPG Director Police BGen. Eliseo Cruz, ngayong balik na sila sa EDSA, magandang pagkakataon na rin ito para mabantayan ang mga krimen sa kalsada at mga carnap na sasakyan.
Binabalak din ni Cruz na gumamit ng Ipad ang kaniyang mga tauhan para magamit sa pag validate sa kanilang data base system kung nakaw o hindi ang isang sasakyan.
Nakarehistro rin kasi sa data base ang record ng sasakyan at kung akma ba ang plaka nito.
Paliwanag ni Cruz, sanay sa pag-spot ng mga carnap na sasakyan ang HPG dahil nagtraining sila ukol dito kaya kung may makita silang kahina-hinalang plaka ay mabeberipika agad nila ito.
Samantala, nagbabala naman si Cruz sa kanyang mga tauhan na ngayon ay nagmamando ng daloy ng trapiko sa EDSA na huwag masangkot sa pangongotong o anumang tukso sa kalsasa.