-- Advertisements --

Inatasan ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang Highway Patrol Group (HPG) para tumulong sa Department of Transportation o DOTr.

Ito’y upang panatilihing nasusunod pa rin ang minimum health protocols sa COVID-19 sa kabila ng pagtataas sa kapasidad ng mga pasaherong maaaring pasakayin sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay Eleazar, makikipag-ugnayan ang HPG sa DOTr para sa gagawing pilot run sa Nobyembre a-4 kung saan, itataas na sa 70 porsyento mula sa kasalukuyang 50 porsyento ang bilang ng mga pasaherong maaaring sumakay sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan partikular na sa Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal.

Binigyang diin pa ng PNP Chief na ang pilot run na ito ang magsisilbing barometro upang malaman kung maaari nang itodo ang kapasidad ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng nararanasang pandemiya upang mabuhay na muli ang ekonomiya.

Kasunod nito, paulit-ulit ang paalala ng PNP sa publiko na mahigpit pa ring sundin ang minimum public health and safety standards upang maiwasan ang pagkakaroon ng hawaan ng COVID-19 sa mga pampublikong sasakyan.