-- Advertisements --

Nilinaw ng liderato ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na walang kapangyarihan na mag-isyu ng ticket ang mga deputized citizens crime watch (CCW) motorcyle riders.

Sa nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng HPG at CCW, hindi nakapaloob dito ang kapangyarihan na mag-isyu ng ticket lalo na at hindi sila aarmasan.

Tutulong lamang ang mga ito sa paghuli sa mga motorista na lumalabag sa batas.

Ang CCW ay may 10,000 na miyembro na magsisilbi lamang bilang force multiplier ng PNP-HPG.

Paglilinaw ni CCW national president and founder Jose Malvar Villegas, ang magiging papel ng mga CCW riders ay mag-report lang sa HPG o sa PNP ng mga nakikita nilang violations sa daan.

Maging ang mga pang-aabuso na ginagawa mismo ng mga pulis o traffic enforcers tulad ng pangongotong sa mga motorista ay maaari nilang i-report.

Sinabi naman ni HPG director C/Supt. Arnel Escobal na puwede ring tumulong sa pagresolba ng mga traffic incident tulad ng mga bangga, o aksidente sa daan ang mga deputized CCW riders hanggang sa dumating ang mga otoridad.

Binigyang-diin ni Escobal na hindi aarmasan ang mga rider dahil may mga batas na dapat sundin sa pagdadala ng armas.

Nauna rito, kinausap din ng HPG ang ilang miyembro ng iba’t-ibang motorcycle clubs para tumulong sa kanilang traffic management at road safety operations para i-augment ang kakayahan ng mahigit 1,200 lang na tauhan ng HPG na magmonitor sa mga lansangan.