-- Advertisements --

Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service ang dismissal ng isang Heneral sa sa usapin ng command responsibility at kapabayaan.

Resulta ito ng isinagawang imbestigasyon ng IAS sa isang kontrobersyal na police operation noong September 2023 sa isang condominium sa Parañaque City.

Matatandaan na nagsagawa noong nakaraang taon ng search warrant ang mga tauhan ng Southern Police District (SPD) hinggil sa ilegal possession of firearms. Ayon sa SPD, 10 Chinese nationals at isang pinoy ang inaresto, na nagresulta naman sa pagkakaligtas ng ilang chinese at pagkakakumpiska ng P4.6 million cash.

Gayunpaman, sinabi ng NCRPO na may irregularities sa pagsisilbi ng search warrants matapos magreklamo ang mga naarestong Chinese na ilegal na kinumpiska ng mga pulis ang ilan nilang personal na gamit na hindi naman na sakop ng warrant.

Sa mga sumunod na imbestigasyon, napag-alamang kinumpiska ng mga sangkot na opisyal ang nasa P27 million cash kasabay ng ilang personal na gamit at sadyang itinago mula sa opisyal na imbentaryo ng mga narekober na ebidensya.

Bukod pa rito, natuklasan din na nagtanim ang mga pulis ng ebidensyang armas sa lugar at tinangka ring sirain ang mga CCTV recordings at dineactivate ang kanilang body-worn cameras sa kasagsagan ng operasyon.

Sampung mga pulis na kasangkot sa insidente ang na-dismiss na serbisyo matapos mapatunayang nagkasala. Bukod sa 10 pulis, pitong iba pa ang ibinaba ang ranggo habang 17 ay sinuspinde.