Kinumpirma ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na may hatol na sila sa kaso ni P/Supt. Maria Cristina Nobleza pero kailangan pa itong maaprubahan ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa.
Sa panayam kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, sinabi nito na batay sa kanilang imbestigasyon lumalabas na ang aksiyon ng opisyal na magtungo sa Bohol kasama ang boyfriend na ASG member na si Reenor Lou Dungon ay “improper.”
Sinabi ni Triambulo na tapos na sila sa kanilang report kaugnay sa kaso ni Nobleza dalawang linggo na ang nakakalipas.
Hinihintay na lamang daw nila na pirmahan ni PNP chief ang rekomendasyon.
Pahayag pa ni Triuambulo, improper ang ginawa ng lady colonel.
Ito aniya ay “conduct unbecoming” at nakakahiya talaga ang ginagawa.
Giit ni Triambulo, iniwan pa ni Nobleza ang kaniyang pwesto para lamang sumama sa Bohol kasama ang kaniyang BF na bomb expert.
Kasalukuyang nakakulong sa Kampo Crame sina Nobleza at Dongon.
Tumanggi naman ibahagi ni Triambulo kung ano ang kanilang rekomendasyon sa kaso ni Nobleza.
Pero batay sa Napolcom memorandum circular, sinumang mapapatunayang guilty sa kaso na conduct unbecoming of an officer ay matatanggal sa serbisyo.
Pagtiyak pa ni Triambulo na siya mismo ang magsa-submit ng report kay PNP chief.
Si Nobleza ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms at harboring criminals.