Sinimulan na rin ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang imbestigasyon nito sa mga police official na umano’y may kaugnayan sa pagpatay kay retired general at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.
Ayon kay kay IAS Inspector General Brigido Dulay, magsisimula ang imbestigasyon sa mga testimonyang inilabas ng ilang mga resource person sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes.
Kasama na rito aniya ang mga testimonya ni Lt.Col. Santie Mendoza, ang whistleblower na kasalukuyang nagsisilbi sa ilalim ng PNP Drug Enforcement Group (PNP-DEG).
Ayon pa kay Dulay, susubaybayan din ng IAS ang mga susunod na pagdinig ng komite at kung ano pa ang mga lalabas sa impormasyon dito.
Aniya, maaari nilang kunin at gamitin ang mga ilalabas ng komite na ebidensiya at testimonya sa kanilang isasagawang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Dulay, hindi lamang magpopokus ang imbestigasyon sa nauna nang testimonya ni Col. Mendoza kundi pag-aaralan din ang mga naunang lumabas sa imbestigasyon kasunod ng kanyang pagkakapatay.
Una nang iniutos ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang pagbubukas muli sa kaso ni Barayuga kasunod ng mga pasabog sa huling pagdinig ng Quad Committee ng Kamara.
Dito ay itinuturo sina dating PCSO general manager Royina Garma at National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo bilang utak sa nangyaring pagpatay.