Ipagpapatuloy pa rin ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang kanilang imbestigasyon laban sa mga pulis sa Caloocan na nakapatay kay Kian delos Santos.
Ito ay para sa kasong administratibo na kanilang kahaharapin.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, kahit ang NBI na ngayon ang nag-iimbestiga sa kaso ni Kian, tuloy pa rin sila sa kanilang pag-iimbestiga.
Paliwanag ni Triambulo, sa aspetong kriminal nakatutok ang NBI habang sila naman ay sa kasong administratibo.
Dagdag pa nito na kapag may nakitang probable cause ang NBI na sampahan ng kasong kriminal ang mga sangkot na pulis, hindi rin mag-aatubili ang IAS na irekomenda na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa binatilyo.