-- Advertisements --
bulalacao john
Western Visayas PNP regional director Brig. Gen. John Bulalacao

ILOILO CITY – Ibinunyag ng Philippine National Police (PNP) ang pamamaraan ng laganap na vote buying sa buong Western Visayas.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Police Regional Office (PRO-6) director Brig. Gen. John Bulalacao, sinabi nito na habang papalapit ang May 13 midterm elections, mas lantaran ang nagaganap na pamimili ng boto ng mga kandidato lalo na sa Iloilo.

Ayon kay Bulalacao, mismo ito ang nagkumpirma sa nagaganap na indirect voting buying kung saan nagbibigay ang mga kandidato ng groceries at sample ballot.

Maliban dito, hinihingi rin daw ng mga point persons ng mga kandidato ang pangalan ng miyembro ng isang pamilya sa bawat bahay na edad 18-anyos pataas kapalit ng sobre na naglalaman ng pera.

Una nang kinumpirma ni Bulalacao ang ginagawang vote buying ng pamilya Garin ng first district at Biron ng fourth district sa lalawigan ng Iloilo.

Sa mga ipinadalang mga pictures sa Bombo Radyo Iloilo, makikita ang ipinamimigay na bihon kung saan nakadikit ang campaign poster nina dating Department of Health (DOH) Sec. Janette Garin at Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron.

Samantalang nakadikit naman sa sardinas ang campaign material ni Vice Gov. Christine Garin kung saan may kasama pa itong kape at thermometer.