Binigyang-diin ng PNP na dumaan sa lehitimong proseso ang isinagawang raid ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa ilang property ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr.
Ito ay matapos almahan ng kampo ni Teves ang naging pananalakay ng mga otoridad sa ilan sa kanyang mga ari-arian.
Sa isang briefing kasi ay isiniwalat ni Atty. Ferdinand Topacio, ang council ni Congressman Teves, ang ilan aniya sa kanilang mga napansin noong isinagawa ng mga otoridad ang naturang raid kabilang na rito ang ilang mga iregularidad tulad na lamang ng hindi pagsusuot ng body cam at iba pa.
Sa kabila ng mga pahayag na ito ng kampo ni Teves ay nilinaw naman ni PNP spox PCOL Jean Fajardo na dumaan sa lehitimong proseso ang ginawang raid ng mga tauhan ng PNP-CIDG.
Dito ay binigyang diin ni COL. Fajardo na sumunod ang nasabing hanay ng kapulisan sa ipinapatupad na police operational procedures ng pambansang pulisya.
Dagdag pa ng tagapagsalita, witness sa isinagawang search warrant ang mga abogado ni Teves, at mga barangay official.
Aniya, may suot ding bodycam ang mga otoridad na kabilang sa nagraid sa mga property ni Teves at kabilang din sa kanilang police operational procedure ang unang pagpasok ng special action force at mobile force battalion sa mga lugar na itinuturing na high risk o mga lugar na napaulat na mayroong matataas na kalibre ng armas, isa sa mga bagay na hinahanap kinukwestyon ng kampo ni Teves.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni Atty. Topacio na babalik sa Pilipinas si Teves upang linisin ang kaniyang pangalan sa kabila ng mga alegasyong kinakaharap nito ngayon kaugnay sa umano’y pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Kung maaalala, sumailalim na sa inquest proceedings sa harap ng mga state prosecutor ng DOJ ang anim na tauhan ni Congressman Teves na naaresto ng mga otoridad noong March 10, 2023.
Ayon kay PNP-CIDG acting Director PBGEN Romeo Caramat Jr., isinampa ang reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o ang comprehensive firearms and ammunition regulation act, at paglabag sa Republic Act 9516 o ang law of explosives laban kina Jose Pablo Gimarangan, Roland Aguisanda Pabnlio.
Habang infringement naman sa Republic Act 10591 ang isinampa laban sa kaniyang sekretaryang si Hannah Mae, Heracleo Sangasin Oray, Rodolfo Teves Maturan A.K.A. Jojo Maturan, at Joseph Kyle Catan Maturan.
Samantala, bagama’t wala sa lugar sina Cong. Teves, at Kurt Mathew Teves, at Axel Teves nang ikasa ng mga otoridad ang naturang operasyon ay sinabi ni PNP-CIDG na sasampahan pa rin sila ng mga criminal complaint dahil sa paglabag sa RA 10591 at RA 9516 sa lalong madaling panahon.