Iginiit ng pamunuan PNP na wala silang nakikitang indikasyon na nakalabas na ng bansa ni dating Presidential Spokesman Harry Roque.
Ito ay sa kabila ng arrest order na inihain laban sa kanya ng House Quad Committee ng Kamara dahil sa pagmamatigas nitong isumite ang mga dokumentong hinihingi ng lupon.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, batay sa kanilang pakikipag ugnayan sa Bureau of Immigration, walang indikasyon na umalis na ng bansa ang dating opisyal.
Binisita na rin aniya ng tracker teams ng Pambansang Pulisya ang mga nakarehistrong opisina at address ni Roque ngunit nabigo ang mga ito na makita si Roque.
Tiniyak naman ng PNP na nakabantay ang kanilang mga tauhan sa posibleng pagdaanan ni Roque sakaling maisip nito na tumakas sa mga otoridad.
Kaugnay nito ay nanawagan si Fajardo kay Roque na igalang ang proseso at walang sinuman ang nakakataas sa batas.
Kung maaalala , na-cite in contempt si Roque dahil sa pagmamatigas nito na isumite ang mga dokumento na magpapaliwanag ng kanyang biglang yaman.
Batay sa datos ng QuadComm , biglang tumaas ang assets ng kanilang kumpanyang Biancham Holdings and Trading.
Ayon naman kay Roque malinaw na ang ginagawa sa kanya ng kamara ay power trippings lamang at pamumulitika.
Muli rin nitong iginiit na hindi siya pugante ng batas.