Nakatakdang imbestigahan ng PNP ang umano’y special report na inilabas ng isang international news agency kung saan ang PNP ang siyang tinukoy na nasa likod ng anti-drug war ng Duterte administration.
Tinutukoy na ngayon ng liderato ng PNP kung sino ang dalawang police officers, isang active at isang retired na nagsalita sa nasabing panayam.
Ayon kay newly promoted PNP Spokesperson CSupt. Dionardo Carlos na may ginagawa na silang hakbang para mabatid kung sino ang dalawang police officers na sinasabing mga intelligence officers na nagsalita at muling binuhay ang isyu na ang mga pulis diumano ang nasa likod ng mga patayan sa kampanya laban sa iligal na droga.
Kabilang sa panibagong alegasyon ng dalawang police officers na bago pa isagawa ang operasyon ay pinapatay muna ang mga CCTV sa mga vicinity ng sa gayon walang makuhang ebidensiya.
Sinabi ni Carlos na ang pahayag ng dalawang police officers ay mabigat na akusasyon kaya’t kailangang maimbestigahan ito at mapanagot ang dalawang opisyal sa kanilang mga pahayag.
Aniya, pwedeng kasuhan ang dalawang police officers dahil sa kanilang involvement.
Sa ngayon tumanggi munang magsalita at magbigay ng komento ang PNP kaugnay sa isyu dahil nais nila makita ang sinasabing 26 pages na report.
Inihayag ni Carlos na ang nasabing isyu ay nasagot na dati ni PNP chief PDGen. Ronald dela Rosa at hindi nila maintindihan ngayon kung bakit pilit binubuhay muli ang isyu.