Paiimbestigahan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police Gen. Rommel Francisco Marbil, ang kamakailang pahayag na ni Police Lieutenant Col. Jovie Espenido tungkol sa sinasabing pagkakaroon ng “quota” at “reward” system sa panahon ng kampanya kontra droga ng PNP na kilala bilang Oplan Double Barrel, na ipinatupad noong administrasyong Duterte.
Sa isang pahayag na inilabas ngayong Linggo, binigyang-diin ni Marbil na mabigat ang naging paratang na ito at nagdulot ng malaking pagkabahala ng publiko.
Ang review panel, na pinamumunuan ng Office of the Deputy Chief PNP for Operations (ODCO) at binubuo ng PNP Quad Staff, Internal Affairs Service (IAS), at Human Rights Office, ay inatasan na masusing suriin at i-evaluate ang Oplan Double Barrel, kasama na ang mga pagsisiwalat ni Espenido.
Kasama sa mandato ng review panel ang isang detalyadong pagsisiyasat at pagsusuri sa lahat ng aspeto ng kampanya laban sa droga, partikular ang mga nauugnay sa karapatang pantao, operational protocols, at accountability mechanism. Binigyang-diin ng PNP Chief ang kahalagahan ng pagsusuring ito sa pagtiyak na ang mga nakaraang operasyon ay sumusunod sa mga legal na pamantayan at ethical guidlines.