Ikinalungkot at ikinadismaya ng Philippine National Police (PNP) ang alegasyon ni Lt. Col. Jovie Espenido sa isang House Quad Committee hearing na ang PNP ang ‘biggest crime group’ sa Pilipinas.
Sa isang pulong balitaan sa camp crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, na ang isang organized crime group ay binubuo para gumawa ng krimen at malayo ito sa kung bakit itinatag ang PNP.
Bagamat hindi nila alam kung saan nanggagaling ang seryosong alegasyon ni Espenido, sinabi ni Fajardo na nagdulot ito ng epekto sa integridad ng kapulisan.
Pero sa kabila nito, hinihimok umano nila si Espenido na kung may ebidensya ito, ay lumapit siya sa mga kasalukuyang matataas na opisyal sa PNP para matulongan at habulin ang sinumang sangkot sa katiwalian noong kasagsagan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nalulungkot tayo dahil maraming pulis na seryoso at tapat sa kanilang tungkulin, maraming nagbuwis ng buhay at nakakalungkot na yung buong organisasyon ang binigyan niya ng label,” ani Fajardo.
Nagsisilbi umano itong hamon ngayon sa kapulisan na pag-ibayuhin at paigtingin ang kanilang trabaho at patunayan sa mamamayan na seryoso sila sa isinasagawa nila ngayong paglilinis sa mga tiwaling pulis anuman ang ranggo.
Kasunod nito, nananawagan ang PNP sa iba pang kapulisan na may pruweba at maaaring nakakaranas ng parehong sitwasyon kay Espenido o may impormasyon sa sinumang miyembro ng PNP na sangkot sa katiwaalan na ipagbigay alam sa kanila.
Iginiit ni Fajardo na bukas ang kanilang ahensya sa anumang imbestigasyon at pagtulong sa sinumang naabuso sa kanilang hanay.
Ayon pa kay Fajardo, “Naniniwala tayo sa integridad ng ating Chief PNP, sinasabi niya na pagka meron silang ebidensiya we will pursue it then tutulongan pa natin silang habulin.”
Matatandaan na sa House Quad Committee hearing, inihayag ni Espenido, na mayroong qouta at reward system na ipinatupad ang PNP noong administrasyon ni EXPRRD at sa ilalim ng termino ni dating PNP Chief at ngayon ay Sen. Ronald Bato De la Rosa.
Ani espenido, sa naturang quota system, mayroong 50 hanggang 100 indibidwal na target ng mga pulis araw-araw, na akala niya aniya noon ay kakatukin at kakausapin lamang para sumuko. Maliban pa rito, sinabi rin ni Espenido sa pagdinig na naglaan ang PNP noon ng pabuya o reward na P20,000 para sa bawat indibidwal na mapapatay sa drug war.
Ang pabuya ayon kay Espenido ay galing sa mga jueteng lords at lahat daw ng ito ay may basbas ng liderato ng PNP noon o ni Sen. Bato.