-- Advertisements --
General Bernard Banac
General Bernard Banac/ FB image

Ikinalungkot ng PNP ang biglaang pagbaba sa puwesto ng hepe na si Gen. Oscar Albayalde nitong Lunes.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, hindi inakala ng pambansang pulisya na magbibitiw sa kaniyang puwesto si Albayalde.

Gayunpaman, sinabi ni Banac na tuloy pa rin ang kanilang trabaho para tuparin ang kanilang misyon bilang isang law enforcement agency.

Tiniyak naman ni Officer in Charge PNP Chief, Lt. Gen. Archie Gamboa na magpapatuloy pa rin ang mga nasimulan ng PNP sa kampaniya nito kontra sa iligal na droga, krimen, katiwalian at internal cleansing sa kanilang hanay hanggang may ganap nang mapili si Pangulong Rodrigo Duterte na bagong hepe ng pulisya.

Samantala, limitado lamang umano ang maaring gawin ng isang OIC PNP chief.

Ayon kay Gamboa, ang isang OIC ay hindi maaring mag-disburse ng PNP budget na galing sa GAA, mag-appoint ng mga matataas na opisyal ng PNP at maglabas ng mga bagong direktiba.

Sa ngayon, hihintayin ni Gamboa ang ilalabas na resolution ng National Police Commission hinggil dito, nang sa gayon magkaroon ng linaw kung ano ang mga dapat gawin nito hanggang sa may maitala ng bagong Chief PNP.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Banac na kahit wala na sa puwesto si Albayalde ay mananatili pa rin itong miyembro ng PNP hanggang sa araw ng kaniyang pagreretiro sa Nobyembre 8 at makukuha pa rin nito ang kaniyang mga benepisyo.