-- Advertisements --

Apat na anggulo sa pagpatay sa siyam na mga sugarcane workers na mga miyembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Sagay City, Negros Occidental ang kasalukuyang iniimbestigahan ng PNP Region 6.

Tinukoy ni PRO-6 regional police director C/Supt. John Bulalacao ang apat na anggulo na inaalam ng mga imbestigador.

Una ay ang isyu sa posibleng paggamit ng goons ng landowner para patayin ang mga magsasakang nag-squat sa kanilang lupa.

Pangalawang anggulo ay ang posibilidad na ang 40 iba pang claimant tenants na suportado ng NPA ang nagpapatay sa mga bagong pumasok na squatter sa hacienda.

Pangatlo, ay ang posibilidad na sadyang ipinain ang mga magsasaka para maisisi sa gobyerno ang pagkamatay ng mga ito.

At pang-apat ay ang alitan ng mga CAFGU at mga farmers sa lugar na nagsimula pa noong taong 2014 hanggang 2015.

Paliwanag ni Bulalacao, mas matimbang ang circumstancial evidence sa pangatlong anggulo dahil ang siyam na napatay ay dalawang araw pa lang na miyembro ng NFSW, at iniwan silang lahat ng core-group members ng NFSW sa lugar ilang oras lang bago sila pinagbabaril.

Tila aniya sadya silang pinatay ng NPA na umano’y kaalyado ng NFSW para palabasin na sundalo o pulis ang may kagagawan.

Mariin naman kinondena ni PNP chief D/Gen. Oscar Albayalde ang insidente.

Tiniyak ni Albayalde na lahat ng posibleng anggulo sa krimen ay puspusan nilang iimbestigahan upang mapanagot ang mga responsable sa malagim na krimen.