-- Advertisements --
KAPA member QC

Sapat na pwersa ang ipinakalat Philippine National Police (PNP) para sa nakakasang kilos protesta ng Kapa Community Ministry sa ilang bahagi ng bansa ngayong araw.

Ayon kay PNP spokesman Col. Bernard Banac, nakaalerto ang kanilang hanay at nakahanda para bantayan ang prayer rally at noise barrage ng grupo.

Sinabi ni Banac, sisikapin ng PNP na maging mapayapa ang aktibidad at sakali mang magkaroon ng tensiyon ay papairalin nila ang maximum tolerance.

Hinikayat ng PNP ang mga miyembro ng KAPA na kumuha ng permit at makipag-ugnayan din sa kanilang local police.

Nabatid na base sa anunsyo ni Danny Mangahas, convenor ng Ahon sa Kahirapan movement, gagawin ang pagkilos ng KAPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil target nilang ipakita ang kanilang puwersa.

Sa Quezon City isinagawa ang halos isang oras na unity walk sa Quezon Memorial Circle.

Sa pagtaya ng QCPD nasa 300 hanggang 500 miyembro ang nakibahagi.

Ang KAPA ay una nang binansagan ng mga otoridad na isang investment scam sa ilalim ng founder na si Pastor Joel Apolinario.

Una nang ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa mga tanggapan nito.