BAGUIO CITY – Iniimbistigahan ngayon ng pulisya at iba pang operatiba ang umano’y death threat na natanggap ng alkalde ng La Trinidad, Benguet.
Ayon sa ulat ng La Trinidad Municipal Police Station, unang nakatanggap ang pulisya ng isang mensahe mula sa hindi pa nakikilalang texter na nagsasabing tambangan at huwag paabutin si Mayor Romeo Salda sa munisipyo.
Agad na pinabasa ni P/Maj. Joeffer Banglayan, hepe ng La Trinidad Municipal Police Station, ang naturang mensahe sa alkalde at nakipagtulungan na sila sa mga telecommunications company sa lokalidad para matukoy ang nagpadala ng text message.
Napag-alamang bago ang insidente ay nakatanggap ang alkalde ng isang bomb threat kung saan may nakapagsabing may nakalagay na bomba sa iba’t ibang bahagi opisina ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council noong nakaraang araw.
Agad namang inaksyunan ng pulisya ang nasabing bomb threat na pinaniniwalaang ito ay para kay Salda.
Sa ngayon ay inaalam pa rin ng PNP ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung parehong tao ang nagbanta sa buhay ng alkalde kamakailan.
Patuloy ding kinukuha ng Bombo Radyo ang panig ng alkalde ukol sa nasabing insidente.