Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police sa mga pangyayari na humantong sa pagkamatay ng isang 12-anyos na batang lalaki sa Bulacan na aksidenteng nabaril sa sarili gamit ang baril ng kanyang ama na isang pulis.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Colonel Red Maranan, iniimbestigahan kung paano nagkaroon ng access ang naturang menor de edad sa baril ng kanyang ama.
Dagdag ni Maranan, tinitingnan din umano ng pulisya kung na-secure talaga ng kanyang ama ang nasabing baril.
Kung matatandaan, patay ang bata matapos aksidenteng barilin ang sarili gamit ang service firearm ng kanyang ama na dinala niya sa paaralan noong Huwebes sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Naglalaro ang bata ng 9mm Beretta nang bigla itong tumunog na kung saan agad siyang dinala sa ospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Idinagdag ni Maranan na ang mga baril ay dapat itago sa isang ligtas na lugar tulad ng isang cabinet na may susi, o sa ibabaw ng isang cabinet upang matiyak na hindi makukuha ng maliliit na bata ang mga ito.
Liban nito, sinabi ng opisyal ng pulisya na ang insidente ay nagsisilbing paalala sa parehong mga opisyal at publiko na sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan ng paggamit ng baril.