-- Advertisements --

ILOILO CITY – Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang impormasyon hinggil sa umano’y vote buying ng ilang local officials sa Iloilo.

Sa isang press conference, sinabi ni Police Regional Office (PRO)-6 Director, PB/Gen. John Bulalacao na may natanggap silang impormasyon hinggil sa pamimigay umano ng groceries at pera ng mga Garin ng First District at Biron ng Fourth District sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Bulalacao, kanilang isasailalim sa validation ang nasabing impormasyon upang malaman kung totoo ito.

Sakaling mapatunayan aniya ang naturang mga paratang, maituturing ito na vote buying na mariing ipangbabawal ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon sa kumakalat na larawan, nakadikit ang campaign poster nina Iloilo 4th District Rep. Ferjenel Biron at dating Health Sec. Janette Garin sa ipinamimigay na bihon samantalang nakadikit naman sa sardinas ang campaign material ni Vice Gov. Christine Garin.

Napag-alaman na una nang sinabi ng COMELEC na ipinagbabawal ang vote buying sa pamamagitan ng pagbibigay ng groceries, pera o anumang bagay kapalit ng boto.

Sa ngayon, wala pang pahayag ang pamilya Garin at Biron hinggil sa nasabing isyu.