-- Advertisements --

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang pulisya ukol sa ginawang pananambang sa tatlong Army intelligence agent nitong gabi ng Lunes, Disyembre 23.

Maalalang tinambangan ng hindi pa nakikilalang gunmen ang van na sinasakyan ng tatlong sundalo na kinilalang sina Sgt. Jhonny Lapinig, Sgt. Joecel Catedral at Pvt. Archie Cebuaños, habang binabangtas nila ang kalsadang sakop ng Barangay Baimbing sa Lamitan City.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, patungo ang tatlo sa isang liblib na lugar sa Lamitan nang bigla silang hinarang ng mga armadong lalake at pinaulanan ng bala.

Ang tatlo ay naatasang makipag-ugnayan sa mga residente sa naturang lugar na una nang nagpahayag ng pagnanais na isuko ang kanilang mga hindi lisensyadong assault rifle.

Sa kasalukuyan ay hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga nagsagawa ng pananambang ngunit patuloy ang ginagawa ng mga otoridad na pagsisiyasat at pakikipag-ugnayan sa komunidad. Kasama rin sa tinutukoy ng mga imbestigador ang motibo sa likod ng naturang pananambang.

Maalalang kamakailan ay naideklara ang probinsya ng Basilan na malinis na mula sa impluwensya ng Abu Sayyaf Group (ASG).