LEGAZPI CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng mga otoridad kung may foul play sa sunog sa nangyaring Barangay La Union, Castilla, Sorsogon na ikinamatay ng isang senior citizen.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SFO4 Rommel Rebua ang Municipal Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection ng Castilla sa Sorsogon, rumesponde ang kanilang mga tauhan sa report na may nangyaring sunog sa isang kubo sa nasabing barangay.
Subalit pagdating sa lugar, naabo na ang kubo at tumambad ang sunog na bangkay ng biktima na kinilalang si Francisco Jarme, 72 anyos, isang barangay tanod.
Palaisipan sa mga otoridad kung papanong nasunog ang kubo dahil pahingahan lamang ito kung kaya walang mga gamit na posibleng pagmulan ng sunog.
Bumibisita rin lang sa lugar ang biktima na caretaker sa lupa kung kaya mababa ang tyansang nakatulog ito sa kubo at hindi na nakalabas.
Sa ngayon isinasailalim na sa otopsiya ang bangkay ng biktima upang malaman kung may nangyari ngang foul play.