-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tiniyak ng PNP na walang mangyayaring “white wash” sa imbestigasyon hinggil sa pagsilbi ng search warrant sa Tapaz, Capiz at Calinog, Iloilo na ikinamatay ng siyam na pinaniniwalaang rebelde.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCol. Roger James Brillantes, director ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) 6, sinabi nito na nagsagawa na sila ng motu propio investigation o sarili nilang imbestigasyon sa nangyaring operasyon kung saan namatay ang siyam na pinaniniwalaang kaalyado ng rebeldeng grupo.

Ayon kay Brillantes, ang kanilang imbestigasyon ay naaayon sa isinumiteng dokumento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ito ang kanilang magiging basehan sa pagsampa ng kaso administratibo sa mga pulis na mapapatunayang lumabag sa batas.

Nanawagan din ang opisyal sa mga kamag-anak ng namatay na dumulog sa RIAS at magbigay ng pahayag kung may nakita ang mga ito na paglabag sa karapatang pantao sa operasyon.

Dagdag pa ni Brillantes, bukas sila na tumanggap ng mga ebidensya mula sa pamilya ng mga namatay.

Napag-alaman na nagsagawa rin ng motu propio investigation ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa insidente.