-- Advertisements --

ILOILO CITY -Magsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa mga police officials na nagsiwalat ng mga pangalan ng mga local chief executives na nakatanggap umano ng death threat o may banta sa kanilang buhay.

Ito ay kasunod ng ginawang threat assessment sa mga local officials matapos ang nangyaring assassination kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Brigadier General Leo Francisco, director ng Police Regional Office 6, sinabi nito na matapos ang threat assessment, lumabas na ang pangalan nina Iloilo 4th District Rep. Ferjenel “Ferj” Biron at mga anak nito na sina Dumangas Mayor Braeden John “BJ” Biron at Barotac Nuevo Mayor Bryant Paul “BP” Biron.

Maliban dito, nakatanggap rin ng pagbabanta sa buhay si Dueñas Mayor Robert Martin Pama at ang kaalyado ng pamilya Biron na si Dumangas, Iloilo Vice Mayor Ronaldo “Onal” Golez.

Ayon kay Francisco, nagsagawa na ng re-evaluation ang Iloilo Police Provincial Office upang matiyak kun talagang may natanggap na banta sa buhay ang nasabing mga local officials.

Ang mga dahilan anya ng pagbabanta sa kanilang buhay ay ang politika at negosyo.

Sakaling mapatunayang totoo, ipapadala ang impormasyon sa Police Security and Protection Group na siyang magbibigay ng security personnel sa mga local officials.