
Hindi nakaligtas sa imbestigasyon ng Philippine National Police Internal Affairs Service ang immediate supervisor ng limang mga pulis na nanloob sa isang computer shop sa Sampaloc, Maynila.
Ito ay matapos na mapag-alaman ng mga otoridad na may basbas ng bisor ng sangkot na mga pulis na si Pcapt. Rufino Casagan ang kanilang ginawang panraransak.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, agad niyang ipinag-utos sa kanilang investigation and intelligence division ang pagkakasa ng imbestigasyon kay Casagan kasunod ng pag-amin mismo ng mga pulis Maynila na alam ni Casagan na papasukin nila ang naturang computer shop nang walang hawak na search warrant.
Giit ni Triambulo, ang ginawang ito ng naturang mga pulis Maynila ay malinaw at malaking paglabag sa standard operating procedure ng PNP kaya’t nararapat lamang aniya na mapanagot ang sinumang sangkot sa kasong ito.
Kung maaalala, noong Setyembre 13 ay nilagdaan ni National Capital Region Police Office Chief PBGen. Jose Melencio Nartatez ang rekomendasyon ng PNP-IAS na tuluyang sibakin sa serbisyo ang limang pulis na kinilalang PSSgt. Ryan Paculan, PSSgt. Jan Erwin Isaac, PCPL Jonmark Dabucol, at sina Patrolman Jeremiah Pascual at John Lester Pagar.
Ang naturang mga pulis ay pawang kumakaharap ngayon sa kasong serious irregularities in the performance of duty, grave misconduct, at conduct unbecoming a police officer.