-- Advertisements --
PNP OIC Archie Gamboa
PNP OIC chief Lt Gen. Archie Francisco Gamboa

BUTUAN CITY – Pag-iibayuhin pa umano ang gagawing “internal cleansing” sa hanay ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa.

Ito ang tiniyak ni PNP OIC chief Lt. Gen. Archie Gamboa sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan.

Siniguro ng opisyal na seryoso siya sa gagawing “internal cleansing” sa buong hanay ng PNP.

Katunayan umano nito ang 15 mga pulis na kanyang na-dismiss mula sa iba’t ibang lugar ng bansa sa loob lang ng 10 araw ng kanyang panunungkulan dahil sa kanilang pagkakaugnay sa iba’t ibang kaso gaya nang pagtatanim ng mga ebidensya at iba pa.

Dagdag pa ni Gamboa, hindi lamang ang mga tiwaling pulis ang makakatikim sa cleansing kundi pati na yaong mga pulis na malalaki ang tiyan kung saan bibigyan sila ng tiyansang maging fit sa kanilang trabaho.

Ayon pa sa opisyal, pina-finalize na nila ni PNP Inspector General on Internal Affairs Service Atty. Alfegar Triambulo ang reporma na dapat gawin kung saan kailangan na lamang nila ang intervention ng National Police Commission (NAPOLCOM) upang mapagtibay ang kanilang adjudicatory power o karapatang magdisiplina sa mga pulis.

Hinikayat din ni Gamboa ang publiko na tulungan sila sa kanilang kampanya na malinis ang kanyang organisasyon.

Sila raw ang magiging mata sa pamamagitan nang pagsumbong sa kanilang mga kapalpakan lalo na ‘yaong mga tiwaling pulis pamamagitan ng paggamit sa mga gadgets upang madokumento ang mga mali nilang kagagawan.