Ipinaliwanag ng Philippine National Police (PNP) kung bakit blurred version ang inilabas na mugshot ni KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy at 4 na iba pang kapwa akusado.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na wala naman itong pinagkaiba sa iba pang mga naunang mugshot na inilabas nila kung saan naka-blur din alinsunod na rin sa utos ng Commission on Human Rights na huwag ipakita ang mukha ng mga akusado hangga’t maaari.
Saad pa ng PNP official na maging sa mga ordinaryong mga indibidwal na inaresto mula sa mga rehiyon at iba pang operating unit ng pambansang pulisya ay nakatago din umano o naka-blur ang kanilang mukha sa mugshots na inilabas ng PNP.
Paglilinaw pa ni Fajardo na ang opisyal na inilabas na mugshot ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo ay naka-blur din.
Ipinaliwanag din ni Col. Fajardo kung bakit nakatakip ang mukha at balut na balot si Quiboloy maging ang mga co-accused nito nang iprisenta sa media. Aniya, ipinakiusap umano ito ng grupo ng pastor at pinagbigyan sila dahil ito ay kanilang karapatan.
Sa kaso naman aniya ni Alice Guo, nang iprisenta siya sa media pagkarating sa Pilipinas mula sa Indonesia kung saan siya inaresto, nakasuot naman aniya ng face mask si Guo at ok lang umano ito sa kaniya.
Kasalukuyan ngang nakakulong sina Quiboloy at 4 pa niyang kapwa akusado sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon city dahil sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act gayundin ng qualified human trafficking, bagay na itinatanggi naman ng mga akusado.