Ipinauubaya na ng pambansang pulisya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon na magdeklara ng martial law sa Negros Oriental kasunod ng serye ng patayan sa nasabing probinsiya.
Ayon kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde hindi pa sila hinihingan ng rekomendasyon ukol dito ng Malacanang.
Pero hindi naman dini-discount ni Albayalde ang posibilidad na maaring magdeklara nga ng batas militar ang pangulo sa Negros Oriental dahil may sariling security adviser ang Pangulo.
Pagtiyak naman ni Albayalde na sa ngayon kontrolado ng PNP at AFP ang sitwasyon sa lugar.
Aniya, ang makakaliwang grupo lamang ang nagpapalaki ng isyu at ibinabato sa security forces ang kanilang ginagawang karahasan.
Nasa 20 na ang nasawi sa serye ng patayan sa nasabing probinsiya kabilang na rito ang apat na pulis na nai-execute ng NPA.
Una rito, itinaas na ng Pangulo sa P5 million reward para sa ikaaaresto ng lider ng NPA na pumatay sa apat na pulis.
Sa ngayon may mga persons of interest ng tinukoy ang PNP.
Nagtakda naman ng deadline si PNP chief sa probe team na nag-iimbestiga ngayon sa serye ng patayan sa Negros Oriental.