BUTUAN CITY – Pinaniniwalaang mga miyembro ng tinaguriang guerilla front committee-88 ng New People’s Army (NPA) ang bumaril-patay sa isang pastor sa liblib na lugar sa Purok-1, San Vicente, Esperanza, Agusan del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, kinilala ni Major Darwin Yu, hepe ng Esperanza Municipal Police Station ang biktima na si Alfonso Gaiento, isang pastor sa Fundamental Baptist Church.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, napagkamalan umano ang biktima na siyang tagapagbigay ng impormasyon sa Philippine Army.
Ayon sa opisyal, dakong alas-7:00 ng umaga noong Oktubre 31 nang makarinig ang mga residente sa nasabing lugar ng mga putok ng baril.
Dapat sana alas-3:00 o alas-4:00 ng umaga ay nasa barangay na ang biktima kaya pinaghanap na ito.
Alas-6:00 na ng gabi nang matagpuang nakaluhod na ang bangkay ng biktima na naliligo sa sariling dugo.
Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa ulo at paa.
Dagdag pa ni Yu, noong Oktubre 27 nang makatanggap ang kanilang hanay ng impormasyon na aabot sa 27 na armadong lalaki ang namataan sa nasabing lugar.