-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Hinigpitan pa ng pulisya ng Pikit, Cotabato ang seguridad sa kanilang bayan matapos ang naitalang pagsabog ng grenade launcher sa isang abandonadong bahay malapit lamang sa Kolambog Elementary School Pikit, North Cotabato.

Sa eksklsusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMAJ Arvin John Cambang, hepe ng Pikit MPS, alas-430 ng madaling araw nangyari ang pagsabog kung saan wala namang nasugatan o nadamay sa pagsabog ngunit nagdulot ng sira sa bahagi ng abandonadong gusali.

Dahil sa malakas na pagsabog ay nagdulot naman ito ng takot sa mga residente sa nabanggit na lugar.

Napag-alaman na ang lugar kung saan nangyari ang pagsabog ay malapit lamang sa bahay ni Barangay Kapitan Sarah Lumenda at sa naturang paaralan.

Sa ngayon, inaalam pa kung sino ang may kagagawan nito at ang motibo sa ginawang karahasan.

Dahil sa pangyayari, nakaalerto ngayon ang kapulisan at hinigpitan pa ang monitoring sa posibleng mga armado o terorista na gagawa ng karahasan lalo na sa darating na eleksiyon.